Nanawagan si Senadora Imee Marcos kay Pangulong Duterte na agad sertipikahan ang pagpasa ng anti-discrimination bill na naka-tengga pa sa Kongreso, kasunod ng pagbibigay ng absolute pardon kay US Marine at homicide convict na si Joseph Scott Pemberton.

“Hindi pa rin matatahimik ang mga panawagan kontra sa paglaya ni Pemberton bunsod ng pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude hangga’t hind naipapasa ang SOGIE bill (sexual orientation, gender identity and expression) sa Kongreso at malagdaan bilang batas,” ani Marcos.

“Kailangan natin magarantiya na ang mga karahasan sa LGBT+ community at iba pang mga biktima ng diskriminasyon ay hindi na mauulit pa,” dagdag ni Marcos.

Ang bersyon ni Marcos ng SOGIE bill ang isa sa mga unang panukalang batas na kanyang inihain noong Hulyo 2019 sa kabila ng pagtutol ng mga religious groups at miyembro ng simbahang katolika.

“Ang parusa at ilang benepisyo na ipinataw kay Pemberton ay alinsunod sa ating Revised Penal Code kung saan inamyendahan ang probisyon ng good conduct time allowance (GCTA) na nalagdaan bilang batas noong 2013 ni dating Pangulong Benigno Aquino III,” ani Marcos.

“Ang pagpapatupad ng batas ay hindi dapat paimbabawaan ng emosyon, o maging ang panawagan ng hustisya ay wag panaigan ng paghihiganti,” dagdag ni Marcos.

“Matalino ang diskarte ni Pangulong Duterte kung paano babalansihin ang pagsunod sa batas ng Pilipinas at maging pulitikal na interes sa mga karatig-bansa sa kabila ng krisis na pangkalusugan at ekonomiya bunsod ng pandemya ng Covid-19,” pagtatapos ni Marcos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.