Ayon kay Senador Imee Marcos na itigil na ang pagkabaliw sa importasyon at tangkilikin ang sariling atin.

Kasabay ng paggigiit nito na dapat tulungan ng pamahalaan ang mga lokal na livestock raisers para maging mas competitive ang presyo ng kanilang mga produkto at maisalba ang kanilang kabuhayan sa bumabahang mga imported na bumubuo ng mahigit sa kalahati ng mga poultry at pork products sa merkado.

Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs ang imbentaryo ng National Meat Inspection Service (NMIS) noong Agosto, kung saan makikitang 81% sa 43,124 kilo ng frozen pork na sinurvey sa merkado ang puro imported. Ipinapakita rin sa NMIS inventory na 58% ng kabuuang 60,810 kilos ng na-survey na dressed chicken ay pawang mga imported.

Sinabi ni Marcos na ang pagbaha ng imported poultry products at murang halaga ng benta nito sa merkado ang nagpapalala sa kalagayan ng mga local na poultry raisers na umaaray na nga sa biglang paghina ng kanilang pagbenta dahil sa Covid-19 pandemic.

Bumaba ang demand ng mga lokal na produktong manok at baboy sa mga food companies sa bansa gayundin sa mga hotel at restoran na nagbawas ng operasyon habang ang iba’y nagsara na ng tuluyan sa gitna ng mga pinalawig na community quarantine dahil sa pandemya.

Nitong nagdaang linggo, naglalaro na ang presyo sa mga palengke ng imported na baboy mula Php120 hanggang Php175 kada kilo, kumpara sa local pork na ibinebenta sa Php230 hanggang Php260.

Ang imported namang chicken ay naglalaro sa Php100 hanggang Php110 kada kilo ang presyo sa kapareho ring panahon, na mas mura kaysa lokal na chicken na nasa Php125 hanggang Php130 na presyo kada kilo.

Isang solusyon para mas maging competitive o makalaban ang presyo ng mga local poultry products ay ang pagbibigay ng Department of Agriculture sa mga poultry raiser ng teknolohiya sa pagpoproseso ng mechanically deboned chicken meat, ang imported na produkto na mahirap gawin o i-produce dahil sa kawalan nila ng pasilidad, ani Marcos.

Sa harap nito, hinimok ni Marcos ang gobyerno na mas palawakin pa ang merkado ng mga lokal na produktong manok at baboy sa pamamagitan ng pag-i-export nito sa Japan, South Korea at iba pang bansa kung saan malaki ang gastos sa produksyon.

Sa kabilang banda, dapat ring mahigpit na bantayan ang importasyon ng pork products, ani Marcos, para maharang at di makapasok sa bansa ang mga baboy na may nakakahawa at mabilis na kumalat na sakit tulad ng Asian swine fever na makapamiminsala sa pork industry ng bansa.

“Ang takot sa mga kontaminadong mga baboy mula sa Germany at Brazil ay isang panawagan para mas higpitan pa ng ating bansa ang mga requirement sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary clearances,” diin pa ni Marcos.

Maaari ring magawa ng pamahalaan na mas maging competitive ang mga livestock raisers sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga insentibo sa mga malalaking food companies na susuporta sa kanila, mula sa pag-aalaga hanggang sa distribusyon at pagbebenta, ayon pa kay Marcos. Dagdag pa ni Marcos, dapat ring paigtingin ng Bureau of Customs ang kampanya nito para mahinto na ang mga smuggling ng mga ilegal o di deklarado o kaya’y undervalued food products papasok sa ating bansa.

“Habang maaaring ikinokonsidera ang mas murang importasyon na makatutulong sa publiko, hindi dapat dumepende o iasa dito ang food security ng bansa. Kailangang suportahan ng pamahalaan ang mga lokal na pork at poultry raisers, kung maisasalba sila at mananatili lalo na kung magkaroon ng aberya sa food supply chain sa buong mundo,” diin pa ni Marcos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.