IMEE: DA at DTI, nagbabantay ba kayo ng presyo ng mga bilihin?

0
779

Sa kabila ng report ng Philipine Statistics Authority (PSA) kahapon na nasa 2.5% lang ang inflation rate nitong Oktubre, sinabi ni Senador Imee Marcos na ang totoong presyo sa mga palengke ngayong araw ay higit pang mas mataas dahil sa epekto ng bagyong Quinta at Rolly.

Kaya nanawagan si Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na kontrolin ang panlalamang ng mga profiteers na dahilan ng biglaang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.

“Hindi dapat tumunganga ang DA at DTI hanggang mailabas ng PSA ang susunod na ulat sa Disyembre bago pa matukoy ang mga suggested retail prices (SRPs) para sa baboy, manok, baka, isda at gulay,” ani Marcos.

Base sa survey sa mga palengke sa Quezon City, San Mateo at Maynila na isinagawa ng tanggapan ni Marcos, lumitaw na sumipa sa 33.3% hanggang sa 200% ang presyo ng mga gulay.

Lumitaw na kada kilo ng repolyo mula sa dating Php60, tumaas ito sa Php80, ang sibuyas mula sa Php80 umakyat na sa Php260, patatas mula sa Php40 sumirit ito sa Php70, pipino mula Php40 naging Php70, Baguio beans mula Php80 mabibili na ito sa Php160, red bell pepper mula Php160 ay Php300 na, at green bell pepper mula Php100 sumirit sa Php300 ang presyo.

Taliwas naman sa 3.7% inflation sa isda na naiulat ng PSA, tumaas mula sa 25% hanggang 33.3% ang frozen galunggong na ngayo’y ibinibenta na sa Php260 kada kilo mula sa dating Php200, matambaka na ngayo’y Php300 mula sa dating presyo na Php240, yellowfin tuna na ngayo’y Php300 mula sa dating Php240 at hasa-hasa na mabibili na ngayon sa Php230 mula sa dating Php240.

Sa iniulat naman ng PSA na meat index inflation na 4.7% ay napakalayo ng diprensya sa 13.3% hanggang 100% na pagtaas sa presyo ng baboy, manok at baka sa mga palengke.

Ang dating presyo ng baboy na P240 per kilo, umakyat na sa P280 hanggang P320 – may pagtaas ng halos 17% hanggang 30%.

Habang ang presyo ng manok sumirit sa P120 hanggang P260 kada kilo, mula sa dating presyo na P100 hanggang P130 – pagtaas ng 20% hanggang 100%.

Samantalang ang presyo ng baka ngayon pumapalo na sa P340 hanggang P370 kada kilo, mula sa dating presyo na P300 – pagtaas ng 13.3% hanggang 23.3%

“Nasaan na ang mga price monitors na lubos na kailangan sa panahong ito?” tanong ni Marcos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.