PAGBILI AT PAGGAMIT NG AFCS CARDS, GAWING LIBRE PARA SA MGA COMMUTER

0
603

Metro Manila — Nagpalabas ng pormal na kautusan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa lahat ng mga Public Utility Vehicle (PUV) operator at ang kanilang mga Automatic Fare Collection System (AFCS) na maningil sa mga commuter ng anumang fee para sa pagbili o paggamit ng ng card na gagamitin sa kanilang pagbiyahe. 

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na huwag ipakargo sa mga commuter ang halaga ng paggamit ng AFCS, na siya namang sinuportahan kamakailan lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon sa LTFRB Memorandum Circular (MC) 2020-057 o “Removal of Fees of AFCS Cards Charged to Commuters Apart from Fare Load” na inilabas noong ika-6 ng Oktubre 2020, kinakailangang walang gastusin ang pasahero maliban lamang sa kanyang pamasahe sa tuwing sumasakay sa pambublikong sasakyan, upang hindi na makadagdag pa sa pasanin ng mga commuter, na karamihan ay mga ordinaryong manggagawang kababalik pa lamang sa kanilang trabaho at bumabawi pa lamang sa pagkawala ng kanilang kita matapos ipatupad ang istriktong community quarantine sa bansa. 

“Noong napakinggan ko ho ‘yung panukala ng ating Pangulo, lumakas ang loob ko, at ako ay na-inspire, kasi ho, iisa ang lagi kong sinasabi, iisa ‘yung aking bukambibig— Dapat ‘yang beep card na ‘yan ay libre. Kaya nga ba’t noong sinabi ng ating pangulo na ipamigay ng libre, ako ho ay strengthened and emboldened to make sure that the pronouncement which I have made, and the mandate of the President, will be given life and will be given reality. Gagawin po nating libre ‘yung beep card,” pahayag ni Secretary Tugade.

Matatandaang noong ika-1 ng Oktubre, nagsimulang ipatupad ang mandatory cashless fare collection sa mga Public Utility Bus (PUB) na bumi-biyahe sa EDSA Busway route. Ito ay bahagi ng health at sanitation measures na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB, alinsunod sa protocol ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID),  upang mabawasan ang banta ng pagkalat ng COVID-19 sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

“The safety of the commuting public has always been our priority whenever LTFRB implements its policies, especially during this pandemic. Despite the unfortunate circumstance, the agency will continue to strengthen its  enforcement of safety guidelines until such time that the cashless payment in the EDSA Busway route will resume,” ani LTFRB Chairman Atty. Martin B. Delgra.

Dahil sa paniningil ng mataas na bayad sa Beep Cards ng AF Payments Inc., ang AFCS service provider sa EDSA Busway, ipinag-utos ni Secretary Tugade na pansamantala munang suspendihin ang “no beep card, no ride” policy sa EDSA Busway habang hindi pa naso-solusyunan ang isyu. Hanggang hindi pa naaayos ang usapin, magpapatupad muna ang bus operator ng dual payment system kung saan papayagan pa rin ang sistematikong pagbabayad ng cash ng mga pasaherong wala pang card bago sumakay ng bus. Samantala, patuloy pa rin namang kikilalanin ang pagbabayad ng pamasahe gamit ang beep card para sa mga pasaherong nakabili na nito.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng LTFRB sa mga AFCS providers upang makahanap ng mas mainam na technological solution sa problema. Kinokonsidera ngayon ang pagtanggap ng multiple AFCS service providers, sa kondisyon na ang kanilang mga plataporma ay bukas sa integration at interoperability. 

Adhikain ng DOTr na makapagtayo ng isang sistema kung saan ang AFCS platform ay maaaring magamit ng publiko sa iba’t ibang uri ng pampublikong transportasyon gaya ng mga tren, bus, modern jeepneys, taxis, ferries, at iba pa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.