Rider Groups, Itinutulak ang Permanenteng Batas para sa MC Taxi at TNVS Industry
Nanawagan ang mga samahan ng motorcycle taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) riders sa pamahalaan na agarang maisabatas ang isang komprehensibong regulasyon para sa kanilang sektor upang matiyak ang seguridad sa trabaho, patas na kita, at legal na pagkilala sa industriya.
Sa panayam, sinabi ni Ivermond Dawagit, founder ng TNVS Alliance at Secretary General ng Kapatiran sa 2 Gulong, na mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na batas upang maiwasan ang labis na pagdami ng mga rider sa mga platform at matiyak ang patas na distribusyon ng mga biyahe at kita.
Ayon kay Dawagit, makatutulong din ang regulasyon sa pagbibigay ng insurance coverage at maayos na pagpaparehistro ng mga rider, lalo na ang mga matagal nang nagseserbisyo sa publiko.
Aniya, patuloy ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagbuo ng mga polisiya para sa industriya. Bagama’t pansamantala pa lamang ang umiiral na interim guidelines, maaari umano itong magsilbing batayan sa pagbuo ng isang permanenteng batas na magbibigay ng mas matatag na proteksiyon sa mga rider, commuters, at iba pang stakeholder.
Binigyang-diin din ng grupo ang pangangailangang palakasin ang seguridad ng mga rider at pasahero sa gitna ng mga insidente ng hold-up, pagnanakaw, at iba pang krimen na nagiging banta sa kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, iminungkahi nilang ang mga platform company ang mangasiwa sa pangangalap at pag-iingat ng impormasyon ng mga pasahero upang makatulong sa imbestigasyon ng mga krimen, kasabay ng mahigpit na pagsunod sa Data Privacy Act.
Nanawagan din ang grupo sa mga law enforcement agency na paigtingin ang police visibility at pagpapatrolya sa mga pangunahing lansangan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga rider, pasahero, at iba pang gumagamit ng kalsada.
Samantala, kinilala rin ng mga rider ang karapatan sa malayang pamamahayag at mapayapang pagpoprotesta kaugnay ng mga probisyon sa draft guidelines na may kinalaman sa pagsasagawa ng mga protesta ng mga rider.
Discover more from Current Ph
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
