SUBIC, Zambales — Nagdeklara ng State of Water Emergency ang lokal na pamahalaan ng Subic dahil sa patuloy na problema sa suplay ng tubig na matagal nang inirereklamo ng mga residente laban sa PrimeWater Infrastructure Corporation.
Sa ilalim ng Executive Order No. 17, Series of 2026 na inilabas ni Jonathan Khonghun noong Mayo 11, inatasan ang agarang mobilisasyon ng lahat ng municipal resources para sa emergency water augmentation sa mga apektadong barangay.
Kasama rin sa kautusan ang paghiling sa Sangguniang Bayan na magsagawa ng legal at teknikal na hakbang para sa posibleng takeover ng lokal na pamahalaan sa mga pasilidad at operasyon ng PrimeWater sa bayan.
Ayon sa LGU, bahagi ng hakbang ang pagbuo ng mga komite na magsasagawa ng comprehensive investigation kaugnay sa legal, teknikal, pinansyal, at administratibong estado ng kasalukuyang water services sa munisipyo.
Magkakaroon din ng Technical Working Group na tutulong sa posibleng pagkuha ng operasyon ng water concessionaire para matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Ngayong Mayo 15, nagsagawa ng inspeksyon si Mayor Jon kasama ang Municipal Engineering Office sa pumping station ng PrimeWater sa Barangay Mangan-Vaca na hindi umano operational sa loob ng mahigit apat na buwan dahil sa sirang piyesa.
Naibalik na ang operasyon ng pumping station matapos ang isinagawang pagkukumpuni, at inaasahang makatutulong ito sa pagpapabuti ng suplay ng tubig sa Barangay Mangan-Vaca at mga kalapit na lugar.
Sa video ng inspeksyon, makikita rin ang isinagawang flushing ng tubig bago ito tuluyang ipasok sa linya patungo sa mga kabahayan.
Discover more from Current PH
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
