Me Kalayaan daw tayo. Eh di wow!
Kung ang ibig sabihin ng Kalayaan ay yaong laya mong gawin ang gusto mo hanggat hindi ka nakakapang agrabado ng iba, ganon ba talaga ang experience mo in real life?
Pagod ka sa magdamagang trabaho, gusto mong mamasyal, may laya ka bang gawin yun? Oo, sabi mo, kung me pera. May laya ka ring orderin ang paborito mong putahe, ang siste, need mo me pera kang extra. Gusto mo ng iphone, aba, pwedeng-pwede, basta, again, me extra kang pera. Nais mong libutin ang buong Marilaque route hanggang Quezon, okey yan, basta me motor ka’t me extra pera.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, kuwarenta’y kuwatro porsiyento lamang sa atin ang may ipon o extrang pera. Sa average household income na P 267,000, 215,000 ang nagagastos natin sa pagkain, renta, pamasahe at kung ano pa at ang natitira ay 52,000 pesos na lang kada taon. Karamihan ay baon sa utang at dun lamang napupunta ang anumang halagang natira.
Pera—yan ang punu’t dulo kung bakit ang mga kalayaang sinasabing pwede mo nang makuha ay di mo ma-enjoy. Kung taasan kaya ang buwanang sweldo, pwede kayang sabihin nang malaya?
Pwede cguro kung hindi taas ng taas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang bigas, asukal at sibuyas. Kundi taas ng taas ang presyo ng gasolina na sinabayan pa ng iba pang pagtaas, baka lumaki ang savings at may extrang pera para naman makapag enjoy ang pamilya.
Sarap mangarap pero ang katunayan, sobrang ganid ng mga kapitalista at gusto agad makakubra ng pera natin. Kaya kung ang lagay mo last year ay sobrang hirap, tuloy pa rin ang pait ngayong 2023. Yan ang pananaw ng mahigit 75% sa ating bayan ngayon.
Nakalulungkot at gusto mo sanang maibsan ito pero di ka naman pwedeng magreklamo. Una, may laya kang mag express ng sarili mo kundi mo babanatan ang gobyerno. Kung ma red tag ka, eh, di pati kakarimpot mong ipon, kukunin ng gobyerno? Kaya naman, kuwarenta’y singko porsiyento sa ating mga Pilipino takot mag komento ng negatibo. Yan ang Kalayaan—okey kang magpaja jolog basta huwag kang maging anti gobyerno. Okey kang maging bastos laban sa mga kababaihan at kabaklaan, huwag ka lang pumutak kung mme nakita kang nakawan o kabalintunaan sa pamahalaan. Kung di ka magrereklamo, pano kaya malalaman ng gobyerno ang mga maling gawain nito o ang korapsyong nagaganap o kaya’y ang sandamukal na sindikato ng mga criminal na gumagala sa daan?
So, antay-antay ka na lang kailan bubuti ang lagay natin.
Pera—yan din ang dahilan bakit gustong gusto ng mga gahaman na mahalal o mai-appoint sa mga posisyon sa pamahalaan. Tingin kasi nila, bangko ang kaban ng gobyerno. Mas magiging okey ang kanilang pamilya, mabibili na nila ang pina asam-asam na Louis Vuitton o Gucci o Ferregamo sa sandaling maging pera na ang posisyon nila sa gobyerno.
Wala namang paki mga yan kung madaragdagan ang mahihirap sa lipunan, basta, ang mahalaga, sila ang makauna sa kitaan. At hindi lamang ito mga opisyales de gobyerno—ganyan na rin ang ginagawa ng mga nasasa pribado. Imbes na pagtiyagaan mong ibenta sa merkado ang produkto mo, bentahan mo na lang si mayor or gobernadora at kung me padulas ka, cguradong bibilhin produkto mo kahit wala itong gamit ng karaniwang tao.
So, ayaw mo ng nangyayari dito sa atin? Aba, me laya ka namang umalis, thank you. Apply ka ng trabaho abroad, paalila ka dun. May laya kang gawin yun basta, mag intrega ka lang sa OWWA o POEA at panay-panay dapat ang padala mo ng pera sa mga kamag-anak mo dito para may kita ang mga bangko. Malaya ka nang gawin ang gusto mo sa ibang bansa basta huwag ka lang makalimut magpadala ng pera mo dito.
May Kalayaan tayo sabi ng ating mga namumuno. Merong Kalayaan? Eh di wow.