Taunang budget sa lalawigan ng Quezon, bakit nga ba hindi na apruba?

0
1718

 

Sentro ng atensyon hanggang ngayon sa lalawigan ng Quezon ang pangalan ng 8 bokal na bumubuo sa new majority ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa hindi nila pag apruba sa mungkahing badyet sa taong kasalukuyan ng probinsya.

Sa ekslusibong panayam ng Current PH kay Sonny Ubana, Majority Floor Leader ng Sanggunian, sinabi niya na halos 200 million ang sablay di umano sa proposed budget at inisa-isa niya ang mga pangunahing dahilan kung bakit hindi nila inaprubahan ang mungkahing budget para sa lalawigan.

 

 

Sa unang punto ay nakita ng lupon na binawasan ng Administrasyong Suarez ng 40% ang budget para sa COVID-19 response, partikular na sa MOOE ng lahat ng ospital sa probinsya liban sa dalawa.

Kaakibat nito ay ang hindi pagkakatugma ng proposed budget sa budget message kung saan makikita na ngayong taon ay ang nakalagay sa executive message ay “This budget seeks to provide response and recovery for Covid-19 pandemic” subalit binawasan naman ang budget para sa Covid-19 response na hindi naman dapat sapagkat ito ay naka appropriate na sa proposed plan noong nakaraang taon pa lamang, ika niya dapat daw ay nadagdagan ang budget ng mga ospital sa lalawigan imbes na bawasan, isang paraan upang mag tugma ang executive message at ang proposed budget.

Ikalawang ipinunto ng Bokal ay ang ilang alokasyon sa Executive Budget na kinokonsidera bilang lump sum, ito ay ang halaga na walang detalye na ipinagbabawal dahil ito ay taliwas sa budget standard at regulations.

Sa mga naganap na hearings sa loob ng tatlong buwan ay napansin nila na karamihan sa mga lump sum budget na ito ay reflective sa covid-19 response at di umano ay aabot daw sa P1 Bilyon ang halaga ng isinumite na budget na kulang-kulang at walang detalye.

Idinagdag pa niya na lahat ng mga mungkahing budget ay dapat may detalye tulad ng kung saan dadalhin ang pera, magkano ang halaga nito, saan pokus, saang barangay o bayan, at ano ang gagawin dito. Dagdag ni Ubana na bagamat sinabi itong mga detalye na ito noong budget hearing ay hindi naman ito nakapaloob sa isinumite na proposed budget kaya ito ay kinokonsidera bilang lump sum.

Ang ikatlong dahilan naman kung bakit hindi na aprub ang budget ay sa kadahilanang hindi raw tugma ang Annual Investment Plan na na-aprubahan na nila noong isang taon pa at ang Proposed Annual Budget. Ayon kay Ubana ay mas malaki ang mungkahing budget kaysa sa proposed plan at ang dalawang ito ay dapat nagtutugma, doon daw nagmula ang halos P200 milyon na disconnection.

Hanggang ngayon ay mainit pa rin sa mata ng mga taong panig sa Administrayong Suarez ang 8 bokal na nag disaprub sa taunang budget ng probinsya, umaapela sila sa mga bokal na isantabi muna ang politika at aprubahan na ang budget para magkaroon na ng pondo sa pagtugon at pagtulong sa mga higit na naapektuhan ng krisis.

Sagot naman ni Ubana ay walang pamumulitika sa ginagawa nila dahil ito ay para sa kapakanan ng nakararami sa probinsya ng Quezon, dahil sa kanilang pananaw ay malaki ang pananagutan nila bilang public servant na masigurado na ang paggamit ng pera ng probinsya ay hindi lamang naaayon sa batas, dapat ito rin ay makabuluhan at napakikinabangan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.