Nasasa ilalim ng General Community Quarantine ang lalawigan ng Quezon at tiyak kong alam na natin ang dahlian–sa mga probinsya sa buong Pilipinas, ang lalawigan ay nakapagtala laming ng 2.9% vaccination coverage rate. At tulad ng inaaasahan, isinisisi ito ng kanilang gubernador Danilo “Danny” Suarez sa mga bokal na diumano’y umiipit sa badget ng lalawigan para maipasa.
Hay naku, me pandemic na nga, patuloy pa rin sa pamumulitika itong ating butihing gobernador Suarez. Ang totoo dyan, pupuwede namang direktang umapela itong si Suarez sa Department of Health para mabigyan ng prayoridad sa bakuna ang mga taga Quezon pero mukhang ang pinagkaka-abalahan yata ni Gobernador ay ang ibang mga bagay tulad ng basketball courts? Marami tuloy ang nagsasabing iyan ang dahlian bakit kailangang maipasa ang badyet na puno diumano ng mga kaperahang ilalaan sa mga daang paulit-ulit na sinisira at mga basketball courts sa kawalan. Hay naku!
Nadaig pa nga ng Lucena sa ilalim ni Mayor Dondon Alcala ang buong lalawigan sa ilalim ni Governor Danilo Suarez sa pagbabakuna. Ang Lucena ang may pinakamataas na vaccination rate sa buong CALABARZON. Good Job! Ang masakit, kulelat ang Quezon.
Bakit ang ibang mga opisyales de gobyerno, nakagagawa ng paraan pero mukhang hirap na hirap itong si Governor Suarez. Nakakalungkot dahil dating Congressman si governor. Malakas daw ito kay dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, MAGING, kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Marami raw kaibigan sÄ… Malakanyang tong si Governor kasama na dyan ang classmate niya sa Kongreso na ngayon ay siya diumanong tagapagtawid mensahe ng Malakanyang sa mga taga Kongreso.
Sa nakita naming video kung saan nagtalumpati itong si Governor, buong tapang niyang ipinagmamalaki na kanya raw gagamitin ang kanyang “special skills” para mabakunahan ang mga taga-Quezon. Tanong laang kay Gob–eh si Mayor Alcala nga simple lang, hindi naman si superman, nakayang makapagserbisyo nang walang kyeme, eh, bakit hindi mo gawin gob?
Kahanga-hanga kung sariling pera ni gob ang ipambibili ng bakuna. Ang siste–maniwala Kang may pulitikong gumagastos ng sariling kwalta makapag serbisyong bayan laang. Eh yung utang nga sa Philippine National Bank nga eh, nabayaran na kaya?
May mga pulitikong hindi naman kasing yaman ni Governor pero nakakabisita sa mga liblib na lugar para magbigay ng serbisyong tunay at natural sa mga nangangailangang kababayan sa Quezon.
Kailangan ng mga taga Quezon ang alagang medikal, hindi politika o intriga.
Ang sagot— ang lumang utak, wala na sigurong maipapatak pa sabi ng mga matatanda. Siguro’y pagod na po talaga itong si Governor at panahon na sigurong mag retiro. Ang siste–baka ipalit niya sa puwesto ang kanyang anak at asawa–pano ba?
Matagal nang naghihintay ng magagandang proyekto at pagbabago ang mga taga Quezon. Pero kung lumang politico o maski batang pulitiko ang ipalit, eh, baka naman ganun din ang result? Sabi nga nila, ang bunga ay mula sa punong pinagmulan. Kung sampalok ang puno, sampalok din ang bunga. Kung balimbing ang puno, balimbing din ang bunga.
Kaawa-awang mga taga Quezon. Hanggang ngayon, kapit sa leeg ng mga pulitikong kapit tuko sa pwesto gayung pagod na nga’t sukat, ayaw pang malikat dahil natutukso ng sikat. May katungkulan ka nga ngunit kung hindi ka naman nakakatulong sa mga mamamayan, aanhin mo ang tungkuling iyan?