Si Macoy Junior at ang pantasya ng Pagkakaisa: Ang Miting de Avanse ng Uniteam
Napanuod ko ang miting de avanse ng kampong Uniteam ni dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior at Davao mayor Sara Duterte. Tulad ng mga kaganapang nasaksihan sa Philippine Arena noong nakaraang Pebrero, naging tema na magmuli ni Macoy Junior ang panawagan ng pagkakaisa. Isinahimpapawid ito sa SMNI—ang television channel ng malapit na kaibigan ni Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy na ngayon ay wanted sa Amerika dahil sa diumano’y illegal recruitment at child molestation. Hindi ko mawari kung papaano ito tatanggapin ng mga kaanib ng Iglesia Ni Kristo na madalas akusahan si Quiboloy bilang kaanib ni Satanas.
Isang malaking entertainment show ang bawat rally nina Macoy Junior at Sara Duterte. Isang malaking piging kung saan ang tanging layunin ay hatiran tayo ng panandaliang kasayahan upang kahit papaano ay makalimot tayo sa ating pagkalugmok sa kahirapan at kawalang katarungan.
Kumbaga, ito ay isang taktika upang manatili tayong alipin sa sariling bayan, aliping ginagamit lamang kada halalan at ginagatasan ng buwis mula sa ating sariling mga pawis. Para sa ating araw-araw nakararanas ng karahasan, ng kahirapan ng buhay at minsa’y kawalang pag-asa, madali tayong maaliw sa saliw ng musikang nagpapaalala sa atin na maaari tayong bumangon sa pagkalugmok. Ngunit, sa likod nito’y batid nating pumalpak na ang Bagong Lipunan—walang bago sa lipunang sinasabing ito ni Macoy Senior. Nagpapaalala sa atin ng sinasabing “Bagong Lipunan” na ito ang kawalang makain ng mga bata, ng kawalan ng tubig at kuryente, ng kawalan ng karapatang kumilos ng naaayon sa sariling kagustuhan, ng kabastusan, ng kamatayan at kadiliman.
Hindi natin isinasawalang bahala ang kahalagahan ng pagkakaisa. Ngunit, makamandag at mapanlinlang ang pagkakaisang sinasabi nitong si Macoy junior.
Tama siya—sa panahong ito na may malalim na krisis pang-ekonomiya, pagkakaisa ng mga Pilipino ang dapat mangyari. Ngunit, walang linaw sa kanyang talumpati kung papaano magkakaisa at ano ang pagkakaisahan.
Magkakaisa ba tayo para lang iluklok ang mga taong maghahari-harian sa susunod na anim na taon? Mukhang yan lamang ang tinuran ni ginoong Macoy junior. Sa loob raw ng ilang buwan, nagsimulang maliit ang panawagan ng pagkakaisa at batay sa kanyang imahinasyon, lumaki at lumaki na ito at nahimuki ang lahat ng Pilipino na sumamang makipagkaisa sa kanila.
Ngunit, ano ang pinagkaisahan? Sadyang pipi rito si Macoy junior. Ang gusto lamang niya ay makipagkaisa tayo sa kanya at sa kanyang pamilya, kaibigan at katoto sa negosyo. Magkaisa upang mailuklok sila sa kapangyarihan. Wala ni isa pang tinukoy si Macoy Junior na kanyang gagawin o gagawin ng mga sinasabi niyang iluklok natin sa sandaling hawakan na nilang muli ang kapangyarihan.
May sinabi naman siyang konkreto—ang pagnanais niyang muli tayong magkaroon ng pera sa bulsa. Hindi baga ito pag-amin na naging bangkarote at walang silbi ang kasalukuyang administrasyon sapagkat ang mga Pilipino sa ngayon ay salat sa salapi? Kung gayon, nagsisinungaling si Macoy Junior na siya ay humaharap sa atin upang ipagpatuloy ang sinasabing “nagawa na” ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte? Ibig bagang sabihin ni Macoy Junior na itutuloy niya ang kasalukuyang lugmok na kalagayan ng bansa
Pantasya ang kahulugan ng pagkakaisang sinasabing ito ni Macoy Junior. Sa katotohanan, pagkakawatak-watak ang magiging kaganapan sa sandaling mailuklok muli sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos at Duterte.
Pagkakawatak-watak sapagkat isinusulong ng pangkating Marcos-Duterte ang pagka alipin. Wala silang tunay na pag-ibig sa kapwa Pilipino sapagkat ang nais lamang nila ay makamtan ang kanilang sariling agenda ng dominasyon upang tuloy-tuloy na makapagnakaw sa kaban ng bayan.