Ayon kay Trillanes, “Ang reklamo na isinampa ngayon ay batay sa impormasyong nakalap mula sa imbestigasyon ng Senado noong 2018, pati na rin sa mga testimonya ng mga opisyal na may alam sa manipulasyong ginawa nina Duterte at Bong Go para paboran ang isang pribadong kontratista.”
Bilang background, sinimulan ng administrasyong Aquino ang pagbili ng dalawang makabagong frigate para sa Navy. Matapos ang mahabang proseso ng bidding, ang kontrata ay napirmahan bago pumasok sa puwesto ang administrasyong Duterte. Gayunpaman, nagsimula ang kontrobersya nang kuwestiyunin ng mga senior officers ng PN ang proposal ng kontratista na palitan ang mga tatak ng ilang kagamitan, partikular ang Combat Management System (CMS), na ilalagay sa mga frigate ng mas mababang uri at mas murang mga tatak, na lumalabag sa mga probisyon ng pinirmahang kontrata.
“Ang dating PN Flag-Officer-In-Command na si Vice Admiral Ronald Mercado ay iginiit na sundin ng kontratista ang kontrata, na nagresulta sa pagtigil ng pagpapatupad. Dahil dito, ang mga opisyal ng PN na namamahala sa frigate project ay ipinatawag sa opisina ni dating SAP Bong Go sa Malacañang, kung saan ipinakita ang proposal ng anomalous contractor. Matapos nito, ipinadala rin ni dating Kalihim ng National Defense Delfin Lorenzana kay Vice Admiral Mercado ang kopya ng proposal ng kontratista na may marginal note na galing kay Bong Go, at sinabing pag-aralan ito,” paliwanag ni Trillanes.
Patuloy na hindi tinanggap ni Vice Admiral Mercado ang mga pagbabago sa kontrata sa kabila ng mga interbensyon ni Bong Go, na nagdulot sa hindi magandang pagtanggal niya sa puwesto. Pinalitan si Admiral Mercado ni Admiral Empedrad, na agad namang inaprubahan ang mga ilegal na pagbabago sa kontrata, kaya’t nagkaroon ng karagdagang bilyong kita ang pribadong kontratista.
Kinumpirma mismo ni dating Pangulong Duterte ang interbensyon ni Bong Go sa kanyang 2019 State of the Nation Address, sinasabing inutusan niya si Bong Go na makialam sa frigate project.
Inakusahan ni Trillanes ang mga nasasakdal ng paglabag sa Section 2 ng Republic Act No. 7080, na inamyendahan ng RA 7659, kilala bilang The Act Defining and Penalizing the Crime of Plunder; at Republic Act No. 3019, kilala bilang The Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Ang layunin ng frigate acquisition project ay makabili ng dalawang makabagong barkong pandigma, ngunit dahil sa walang katapusang kasakiman nina Duterte at Bong Go, ninakawan ang ating bansa ng pagkakataon na lubos na mapahusay ang ating pambansang kakayahang pangseguridad. Para kang umorder ng Mercedes Benz na sasakyan pero ang dineliver ay Mercedes Benz na kaha lang pero ang makina na nilagay ay pang-owner na jeep,” dagdag pa ni Trillanes.