
“Tumataas na singil sa kuryente, pataas na singil sa gasoline at mababang sahod mga banta sa Pilipinas”
Kamakailan, inanunsyo ng Meralco na magtataas ng hanggang 12 per kilowatt hour ang singil sa kuryente. At tulad ng nakagawian na nating marinig, sinisisi ng Meralco ang mahal nilang kuha ng kuryente mula sa mga power producers sa pamilihan. Tama naman—tagahatid lamang ng kuryente sa ating mga kabahayan ang Meralco. Hindi sa kanila ang kuryente. Tulad ng ibang electricity distributors, kumukuha lamang sila ng sapat para tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente ng mga negosyo at mamamayan.
At batid naman natin kung ano ang epekto ng pagtataas nito ng singil sa kuryente. Siguradong epektado ang mga negosyo lalo na mga producers at manufacturers ng mga batayang produktong ikokonsumo natin. Tiyak tataas ang operating costs ng mga negosyante, maliit man at malaki at wala silang magagawa kundi ang bawiin ito sa ibang paraan at kadalasan, ang bawi ng nawala sa kanila ay kinukuha sa ating mga consumers.
Nag-anunyo din ng pagtaas ng singil sa toll fees ang magkabilang operator ng ating mga tollways o yaong mga highways na nagdudugtong sa Metro Manila at mga kanugnog na probinsya. Alam din natin ang epekto nyan sa atin—tataas ang gastusin ng mga negosyante sa pag-angkat nila ng mga batayang produktong kailangan sa kanilang produksyon. Tataas din ang distribution costs ng kanilang mga produkto. Upang maiwasan ang pagkalugi, gagawa ng paraan ang mga negosyante upang mabawi ang mawawala at, tulad pa rin ng inaasahan, maaaring kunin nila ang nawala sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng mga batayang produktong nakakaapekto naman sa ating buhay pamilya.
Dahil sa mga kadahilanang ito, hindi malayong mataas o tataas pa rin ang implasyon o inflation o ang average rate ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Kalaban talaga natin ang inflation sapagkat dahil dito, bumababa o nawawala ang kapabilidad nating bumili ng mga karampatan nating kailangan. Kung ang piso noon ay makabibili pa ng isang inuming tulad ng Coca-Cola o magagamit pang pamasahe, ngayon, ano na lang kaya ang mabibili ng piso? Ang pagbaba ng tinatawag na purchasing power ng mga mamimili ay bunsod ng tumataas at papataas pang inflation?
May magagawa ba ang pamahalaan? Aba’y maraming puwdeng gawin. Unang un ana lamang ay ilagay sa tama ang presyo ng kuryente sa electricity spot market. Dahil sa epira law, hindi na kontrolado ng pamahalaan ang suplay at paggamit ng kuryente sapagkat ipinamahala na ito sa pribadong kamay. Ngunit kung gagawin lamang ng Energy Regulatory Board o ERB ang kanilang mandato, at hihigpitan o liliitan lamang ang profit margin o kita ng mga energy producers, malaking magiging epekto nito sa pagbaba ng ating kuryente.
Ganundin naman sa mga operators ng ating mga tollways, na sa totoo, ay sobra sobra na talaga ang kinikita. Isipin na lamang Ninyo ang North Luzon expressway. Naitayo sa una yan gamit ang pampublikong pondo at natatandaan ko noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino, naideklara nang nabayaran na ng taumbayan ang mga paunang gastos sa nasabing highway. Pansinin na ilang dekadang walang major infrastructural works ang ginawa dyan sa Nlex. Ibig sabihin, nasasaan ang kwaltang ating ibinayad sa mga operators ngayon ng expressways gayong kakaunting improvements lamang naman ang ginagawa ng mga ito?
Malaking magiging epekto sa mga presyo ng bilihin kung bababa ang gastusin ng mga mangangalakal sa transportation costs. At mayroon dapat na mahalagang papel dito ang pamahalaan sa pamamagitan ng Toll Regulatory Board or TRB. Bakit tila baldado ang mga taga TRB at wala ni isa mang boses na naririnig mula sa kanilang hanay na pagtutol sa panay-panay na taas ng toll fees? Kailangan bang sumigaw na para sa kanila ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga maliliit na mamamayan sa gitna at katimugang Luzon para pansinin ng administrasyong ito?
Dalawa lamang ito sa mga banta sa buhay ng pamilyang Pilipino. Hindi pa natin tinatalakay ang ibang banta tulad ng kawalan ng hanap buhay o trabaho sa ating mga gradwado. Mapapansing sa dalawang bagay pa lamang na ito, magiging matindi na ang magagawa ng ating pamahalaan kung magkakaroon sila ng pakiki-alam sa dalawang bagay na ito. Hindi ko pa nga binabanggit dito ang mga banta sa ating kalusugan lalo’t higit sa kalusugan ng ating mga Kabataan, na siyang salinlahing magmamana nitong ating Inang Bayan.
Kaya naman, nakakalungkot makitang nagtatamasa ng sandamukal na salapi ang mga plutokratista sa ating Lipunan samantalang nananatiling hikahos ang karamihan sa atin. Totoo—wala tayong naririnig na ingay mula sa mga kumakalam na sikmura ng ating mga kababayan sapagkat sa katotohanan, wala nang mga outlets o paglalabasan ng kolektibong sama ng loob ng mga Pilipino.
Tila baga nawalan ng boses ang mga mamamahayag sapagkat sila rin ay biktima ng kasalukuyang kalagayang nakakarimasim, sa totoo. Dahilan sa papahirap ang buhay, unang direktang nakararamdam ng masidhing kahirapan ang mga mamamahayag. Kaya naman, karamihan sa kanila ay tinitiis na lamang at pilit na ipinipikit ang kanilang mga mata sa nagdudumilat na katotohanan ng kahirapan at kawalang katarungan? Hanggang kailan ito, walang nakakabatid. Ngunit, naniniwala akong sa malaot Madali, matutuklasang muli ng mga mamamahayag ang kanilang boses at marami muli ang maninindigan sa Tama. Harinawa.
Malaki ang banta sa atin, sabi ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior. Ngunit ang tinutukoy niya ay bantang nagmumula sa lumalaki nating dambuhalang kapitbahay ang Tsina. Totoo ang banta ngunit aanhin pa ang bantang ito kung ang mga mamamayan mismo ay unti-unting pinapatay ng sarili niyang pamahalaan?
Ang banta ng Tsina sa atin ay naririyan ngunit mas banta para sa karamihan ang lumalalang kawalan ng oportunidad ng mga pamilyang Pilipino na mabuhay ng tama. Napaka saklam ng epekto nito sa bawat isa sa atin sapagkat habang lumiliit ang kapasidad ng mga mamamayan na makamtan nila ang kanilang mga pangangailangan sa pang-araw araw, lumalala naman ang kalagayang panlipunan. Ilang libo o milyon sa atin ang nawawalan ng pag-asa bunga ng lumalala nating kalagayang pangkabuhayan? Ilan sa atin ang isinasakripisyo ang nakagisnang magandang asal at gawi kapalit ng salaping pantustos sa ating mga buhay? Ilan din sa atin ang napipilitang lunukin ang respeto sa sarili, maitawid lamang sa pang araw araw ang ating mga anak, mga apo at mga magulang?
Kaya naman nakapanlulumong mabasa at marinig sa mga pahayagan kung papaano gastusin ng ating mga mambabatas ang kanilang mga badyet galing sa ating pinagpawisang ibigay na buwis. Sa isang pisong buwis, ilan kaya rito ang bumabalik para sa kagalingan natin? Ilan naman ang direktang kinakamkam ng ating mga pinunong bayan na kung umasta’y sila ay pinagkakautangan natin ng ating mga buhay?
Hindi malayong tatahakin natin ang madilim na landas kung hindi matutugunan ng pamahalaan ang kanyang batayang tungkulin sa mga mamamayan—ang bigyang katugunan ang mga suliraning nabanggit ko kanina. Naririto na ang mga signos o banta ng papalalang pandaigdigang ekonomiya at hindi tulad noong 1992 financial crisis na bahagya lamang ang naging epekto nito sa ating bansa. Sa susunod na darating na delubyong dulot ng krisis pampinansyal sa mundo, mas malaking bahagi ng ekomiya ng Pilipinas ang maaapektuhan.
Kung ngayon pa lamang ay hindi na nararamdaman nating mga mamamayan ang aruga ng pamahalaan, aasa pa ba tayong sa pagdating ng delubyong ito ay masasagip pa ang karamihan sa atin mula sa nakaambang mas mataas na antas ng kahirapan? Kung ngayon ay tila pinabayaan tayong parang mga kuting lamang sa kalsada at pinupunan lamang ng kakarimpot na tulong mula sa buwanang Pantawid Pilipino, hanggang kailan natin hahayaan ang ganitong nakapanlulumong kalagayan? Kung makita na nating mas yayat pa ang ating mga anak bunga ng malnutrisyon? Kung makita na nating nanlulumo na sa kawalan ng lakas ang ating mga matatanda? Kung masumpungan natin ang ilan sa ating mga kababaihan na nagiging biktima ng karumal-dumal na pagbebenta ng laman o kaya’y inaalipin ng ibang lahi para sa kakarimpot na sweldong buwanan?
Hinihikayat ko ang aking mga ka henerasyon na karamihan ay nasasa mahahalagang posisyon na ng kapangyarihan kapwa sa pampubliko at sektor pribado. Huwag nating ipikit ang ating mga mata. Huwag din nating takpan ang ating mga tainga. Huwag din nating busalan ang ating mga bibig. Huwag din nating taliin ang ating mga kamay sa pagsasabing sa panahon ng mga ganitong pagsubok, unahin muna ang sarili bago ang iba o bago ang bayan.
Matindi pa sa sikat ng araw ang palatandaan na ang ating kasagipan ay nakasalalay sa ating pagkakaisa bilang isang bansa. Kung karamihan sa atin na nasasa pamahalaan ay gagawa lamang ng Tama, kahit papaano ay malaking tulong na ito upang maisa-ayos ang kalagayan ng karamihan sa ating mga Pilipino.
Kung magkakaroon ng hiya ang ilan sa atin, at isiping sa bawat kitang iligal ay may tinatamaang Pilipino o pamilya, tiyak kong kahit papaano, maiibsan o mababawasan ang magiging negatibong epekto sa ating buhay pamilya. Kung ikaw ay bahagi ng pribadong sektor at ang tungkulin mo ay may pagkakataong makatulong sa ibang kapwa Pilipino, gamitin mo ang iyong kahahalan upang mapabuti ang kalagayan ng iba.
Sama-sama, tulong tulong tayo. Kung hindi natin makita ang direksyon bunga ng kawalan ng namumuno sa atin, tayo mismong mga mamamayan ang magkusang igabay ang ating mga Gawain o kilusin para umayon ito sa iisang hakbangin o panaginip—ang maka tamasa hindi lamang ng kalayaang pulitikal kundi ng kalagayang matugunan ang layaw natin bilang tao.
Discover more from Current PH
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
