Matapos akusahan ng korupsyon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) official Jeffrey Tumbado ang kanyang bossing na si Atty. Teofilo Guadiz at maging si Department of Transportation and Railways (DOTR) Secretary Jimmy Bautista, balitang umurong si Tumbado at nagpaunmanhin sa dalawang kanyang inakusahan.
Takang-taka naman sina Senator Riza Hontiveros at Koko Pimentel Jr. Anong laro ito? Dahil sa rebelasyon ni Tumbado, tumba at nawalan ng trabaho si Guadiz. Umurong na lamang itong si Tumbado nang magpahayag itong si Bautista na kanyang sasampahan ng kaso ang sinumang magsasabing sangkot siya sa katiwalian sa LTFRB o maging sa buong DOTR.
Ayon kasi dito kay Tumbado, humihingi daw ng lagay itong si Guadiz sa special permits. Lumilitaw itong mga special permits sa mga panahong inaasahang daragsa ang mga pasahero, tulad ng paparating na araw ng patay na isang mahabang holiday. Kahit na mayroong prangkisa ang isang bus or public service entity, wala pa ring kawala sa LTFRB. Idedeklara lamang nitong hindi pupuwdeng lumarga hanggat walang special permit, tapos na ang usapan. Dagsaan na naman sa LTFRB ang mga pobreng public utility service owners.
Hanggang limang milyong piso daw ang lagayan, sabi ni Tumbado. Sa mismong pag-amin ni Tumbado, nagbitiw daw siya sa pwesto dahil sa di niya masikmura ang kalakaran. May nagsabi namang totoo daw na “bagman” ni Guadiz itong si Tumbado. Ang siste laang, may di daw magandang nangayari sa magkaibigan kaya hayan, nagkaroon ng tumbahan. Kaya pinatalsik ito.
Di na nakakapagtaka yan. Kadalasan, kapagka kaperahan ang pinaguusapan, maging magkakaibigan, magkakatumbahan.
Problema, dahil sa ipinahayag ni Tumbado, umaksyon ang Malakanyang at pinatalsik si Guadiz. Naiklaro naman ito ni Bautista at sinabing suspended lamang si Guadiz habang patuloy ang imbestigasyon sa isyu. Pero, ano pang isyu kung umatras na nga itong si Tumbado?
Kailangang alamin ito ng senado lalo na ng blue Ribbon. Klarong klaro na may di magandang nagaganap sa LTFRB. at ang balita pa, mismong sa LTO din, may mga kababalaghang nagaganap.
Kaya bumababa ang kumpyansa ng mga mamamayan sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Marcos ay sa kadahilanang wala siyang ginagawang konkretong aksyon laban sa katiwalian. Marami talagang gumagawa ng kaperahan sa pamahalaang ito, hindi laang mga smugglers ng mga agricultural produce. Kundi kikilos ang gobyerno, tiyak mas bababa pa ang tiwala ng balana sa pamahalaan.