Utak ng anti-drugs campaign Double Barrel, USEC na ng DOH:WTF?
Reaksyon ito sa artikulong isinulat ni Tina Santos sa Inquirer, “Ex-PNP chief joins DOH: ‘Insult to health experts’”. http://www.inquirer.net. 24 October 2022 see link: https://newsinfo.inquirer.net/1684001/ex-pnp-chief-joins-doh-insult-to-health-experts?utm_source=gallery&utm_medium=direct
Sinisimulan na ba ng ating Pangulong Marcos na magtayo ng isang military-led administration? Mukhang yan ang kanyang direksyon. Bakit kamo? Eh, saan ka nakakita na sa halos milyon at kalahating bilang ng mga doctor at health practitioners, eh, ang mapipili upang magpanday ng mga polisiyang pang kalusugan ay isang dating hepe ng Philippine National Police? Anong meron at itatalaga ni Pangulong Bongbong si dating heneral Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Kagawaran ng Kalusugan?
Pakibasa nga ang kwalipikasyon ni Cascolan. Meron bang maski katiting na naging involvement siya sa larangan ng kalusugan? Naging medic ba kamo si Cascolan maging noong tinyente siya sa Philippine Military Academy o PMA? O kaya, meron ba sa mga kamag-anak ni Cascolan na naging sangkot man lamang sa panggagamot? Meron ka bang mahahanap na maski aso o pusa na nagamot ni Cascolan o maging isang tao na nasagip ang buhay dahil sa galing at karanasan niya sa panggagamot?
Kilala si Cascolan hindi bilang manggagamot kundi mangiikmot ng buhay. Hindi ba siya ang utak sa Oplan Double Barrel na naging daan para sa pangingitil ng buhay ng tinatayang libong drug pushers ar drug users? Sa mahigit 4 na milyong adik sa Pilipinas, ilan kaya sa kanila ang nabago ang buhay dahil kay Cascolan?
Hindi natin personal na kilala si General Cascolan at maaaring me katangian itong nakita ni Bongbong na naging daan para sabihing mainam na italaga siya bilang katuwang na kalihim ng kagawaran ng kalusugan. Maaaring ang naging isang katangian niya ay ang pagrami ng mga Pilipinong nadala sa mga ospital bunga ng mga tinamo nilang sugat dulot ng pakikipagsagupaan sa kapulisan? Marami sigurong natuwang mga may-ari ng mga pagamutan dahil sa nakuha nilang kita mula sa mga sugatan o kaya’y napatay ni Cascolan sampu ng kanyang mga galamay?
O, baka naman hinangaan itong si Cascolan dahil sa kanyang administration skills? So, ang ibig bagang sabihin ng ating butihing Pangulo ay ni isa sa ating mga health experts ay sadyang di niya mapapagkatiwalaang pangalagaan ang mga polisiya at interes ng kagawaran?
O, baka naman, gagamitin ng ating Pangulo si Cascolan para buwagin ang sindikato sa loob ng kagawaran ng kalusugan? May kapabilidad ba si Cascolan na magbuwag ng mga sindikato gayong noong kapanahunan niya bilang hepe ng kapulisan, may malalaki bang sindikatong sangkot sa katiwalian at kriminalidad na nabuwag itong ating kagalang-galang na dating pinuno ng PNP?
Sadyang mahiwaga ika nga ang desisyong ito ni Pangulong Marcos Junior. Marami tuloy sa ating mga kababayan ang naghihinalang di kaya ang puno’t dulo nito ay ang pangangalaga sa sindikatong lihim na gumagalaw sa loob ng kagawaran? Ano kayang management style ang dadalhin ni Cascolan sa kagawaran? Ang “kalakaran” sa loob ng PNP kaya ang template na susundan ni Cascolan lalo na sa pakikipag-usap sa mga third party suppliers sa DOH?