Layunin ni Yormi ang malinis, maaliwalas, panatag na Maynila

0
971
Mayor Isko Moreno. (Kuha ni Benjie Cuaresma)

Ni Benjie Cuaresma

MANILA — LAYUNIN ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso na maging malinis, maaliwalas at maging panatag ang mga tao sa nasabing lungsod.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Domagoso sa kanyang talumpati Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) Induction na ginanap sa Illustrado Restaurant, Intramuros kamakalawa.

Tiniyak din ng alkalde na ipagpapatuloy nito ang mga clearing operations, mga plano upang mapagaan ang trapiko at ang muling pagsulong ng turismo sa lungsod.

“Hindi tayo dapat tumigil. Ang ating mga patakaran ay dapat umangkop sa ating mga adhikain,” ani Domagoso.

Kaugnay nito, binigyang diin din ng alkalde ang pagsisikap na ibalik ang Maynila bilang sentro ng sining at kultura ng bansa.

“We’ll continue to educate the next generation through arts and culture. I always encourage people to go to Manila. Keep coming back to Manila,” aniya.

Ibinida din ng alkalde na ang lungsod ng Maynila ay umangat ang antas bilang isa sa mga pinaka ‘dynamic’ na lungsod sa buong mundo.

Matatandaan na nito lamang nakaraang taon 2019 ang Maynila ay nasa ika-12 sa listahan, ngunit ngayong 2020 ay umangat na ito sa ika-8 sa may mga pinaka malago at mahusay sa pagpaplano na lungsod sa buong mundo.

Batay sa JLL index, ang Asia Pacific ay tahanan ng pinaka-daynamikong sentro ng lungsod sa buong mundo kung saan halos 3/4 ng mga nangungunang lungsod ay dito matatagpuan.

Samantala, nagtungo sa Manila City Hall ang negosyanteng si Joseph Lim upang personal na i-donate sa pamahalaang lungsod ang may 100 foldable wheel chair.

Taos-pusong nagpasalamat si Domagoso kay Lim at tiniyak nito na ang mga ibinigay nitong wheel chair ay maipapamahagi sa tunay na nangangailangan na Manilenyo partikular na ang mga maysakit at may kapansanan. (BENJAMIN CUARESMA/IAMIGO/CPH)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.