405 ‘Ghost Recipients’ ng Confidential Funds, Nabuking ng PSA
MANILA — Lumabas sa imbestigasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala umanong birth record ang 405 sa 677 na pangalan na nasa mga resibo ng confidential fund expenditures ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon sa PSA, higit kalahati ng mga pangalan sa listahan ay hindi mahanapan ng rekord ng kapanganakan o anumang dokumentong magpapatunay na sila ay tunay na tao. Bagama’t patuloy pa ang beripikasyon, itinuturing nang seryosong isyu ang resulta ng initial findings.
Hindi pa malinaw kung paano napunta sa mga “ghost recipients” ang pondo, ngunit dahil confidential ang nature ng mga gastusin, lalong naging mabigat ang hamon na maipaliwanag ito sa publiko. Tanong ngayon ng mga kritiko: paano nagastos ang bilyon-bilyong confidential funds kung posibleng peke ang karamihan sa mga tumanggap nito?
Isinumite sa Commission on Audit (COA) ang mga resibo ng mga ginastos ng confidential funds, ngunit ang resulta ng PSA verification ay tila nagbubunyag ng malakihang iregularidad. Marami ngayon ang nananawagan ng masusing imbestigasyon upang alamin ang totoong lagay ng pera ng taumbayan.
“Kailangan sagutin ito ni VP Sara Duterte. Hindi pwedeng ganito lang. Ang perang ginamit dito ay galing sa buwis ng taumbayan,” sabi ng isang mambabatas na tumangging magpakilala.
Nagbigay naman ng maikling pahayag ang OVP at DepEd, sinasabing handa silang makipagtulungan sa PSA upang maresolba ang isyu. Ngunit para sa marami, hindi sapat ang simpleng paliwanag lalo’t mahigit kalahating bilyong piso ang pinag-uusapan.
Patuloy ang panawagan para sa transparency at pananagutan habang dumarami ang tanong sa posibleng misuse ng pondo. Sa gitna ng kontrobersiya, nagbabadya na ang mas malalim na pagbusisi sa iba pang mga gastusin ng gobyerno.
Photo credit: House of Representatives
Related
Discover more from Current PH
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
