Kakaibang Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior ang nakita ng sambayanan sa kanyang ikatlong State of the Nation Address nitong Lunes, 22 ng Hulyo. Dalawang usapin ang nag marka sa kamalayan ng taumbayan—ang kanyang mariin at matatag na posisyon hinggil sa West Philippine Sea (WPS) at usapin ng Philippine Online Gaming o POGOs. Lumalabas ngayon na mas astig at may bayag si Pangulong Marcos Junior kaysa sa nagtatapang-tapangang dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Umani ng standing ovation si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior nang ipahayag niya na hindi isang ideya lamang ang ating pag-angkin sa West Philippine Sea (WPS). Karapatan natin ang angkinin ang nasabing karagatan, ayon kay Marcos Junior sa kanyang State of the Nation address (SONA) ngayong araw na ito.
At dahil nagiging pugad ng katiwalian at kriminalidad ang mga POGOS, tuluyan nang banned ang mga ito sa ating bansa. Ipina ban ni Bonget ang mga perwisyong POGOs sa kabila ng balidadong pagtatangka raw ng mga criminal syndicates na ipapatay ang pangulo, sampu ng mga kagawad ng PAOCC, maging ang dalawang senators na sina Win Gatchalian at Riza Hontiveros na nanindigan laban sa operasyon ng mga demonyo.
Ang dalawang usaping ito ay may common denominator—ito ay mga usaping sangkot ang China, ang ating kapitbahay na bansa na malapit sa dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kung malamya at defeatist ang attitude ni Digong sa usapin ng WPS, consistent naman si Bonget na atin ang nasabing karagatan. Hanggang aniyang marubdob ang damdamin nating mga Pilipino hinggil sa ating teritoryong pilit inaagaw ng Tsina mula sa atin, patuloy niyang ipaglalaban ang ating Karapatan.
Sa POGO naman, hindi ba’t sa ilalim ni Digong ito namayagpag sa tulong ni Senator Pia Cayetano? Si Cayetano ang nagpanukala ng batas hinggil sa POGO.
Sa pagsawata ni Bongbong sa mga POGO at pagmamatigas sa usapin ng WPS, tila baga ito ay direktang mga patama sa kanyang predecessor. Naging kagawian noon na galangin ng humaliling pangulo ang mga naging desisyon ng pinalitang Chief Executive.
Pinahihiwatig siguro ng Pangulo na mas astig siyang ipaglaban ang kapakanan ng mga Pilipino kaysa kay Digong na nag-astang matapang at may bayag. Tanong ngayon ng taumbayan—sino sa dalawa ang tunay na astig at may bayag?
Kahit kailan, hindi narinigan si Bonget na mahina ang Pilipinas at dapat itong maging probinsya o lalawigan ng Tsina. Tanging si dating pangulong Duterte at Senador Alan Peter Cayetano ang nagsabing nararapat na lamang maging lalawigan ang Pilipinas dahil sa laki at lakas ng Tsina.
Tameme rin si Digong at mga Cayetano sa usapin ng POGO lalo na ngayon at unti-unting winawasak ang maskara ng mga malalapit na kasosyong pulitikal ni Digong na diumano’y nasasa likod ng mga POGO operations. Hindi na rin umubra ang last ditch effort ng mga may-ari ng POGO na mayroon sa kanilang hanay na “matino” at mayroon din namang aminadong lumalabag sa batas, bagkus, kailangan lamang na sawatain ang mga demonyong POGO at pahintulan pa ang mga “good” POGOs.
Sa kabilang banda, asahan namang magiging normal na magmuli ang relasyon ng Pilipinas at Tsina. Bakit kamo?
Hindi ba ang Tsina ang unang humiling sa gobyerno natin na huwag pahintulutan at pigilang magtayo ng mga POGOs sa ating bansa sapagkat ang mga ito ay nagdadala sa kanilang mga mamamayan sa kapahamakan? Nagiging pugad din ito ng kasamaan sapagkat nagagamit sa pagaangkat at bentahan ng droga, human smuggling at prostitusyon.
Sa pagban ng POGO, maaaring pahiwatig ito sa Tsina na may pagpapahalaga pa ang Pilipinas sa kanilang bilateral relationships. Na sa kabila ng WPS issue, may paraan pa para sa isang quid pro quo. Kumbaga, pinagbigyan natin sila sa usapin ng POGO, dapat sana pagbigyan din tayo sa isyu ng pagpapalarga ng mga resupply missions sa BRP Sierra Madre.
At lumalabas nga na maaaring ito ang naging quid pro quo ng magkabilang bansa. Naging sangkalan ba ng Pilipinas ang isyu ng POGO upang lumambot ang Tsina sa usapin ng WPS?
Anupaman, maliwanag sa sikat ng araw na mas prinsipadong astig itong si Bonget kaysa kay Digong. Ipinakita ni Bonget ang kanyang pagka waray at pagka Ilokano rin.
Sa totoo, hindi naman kataka-takang maaaring drama lang ang kaastigan ni Digong. Maaaring matapang lamang ito kung may kasama. Noon ngang niyaya yan ng barilan ng isang journalist, ni anino nito’y di nakita nong pumaimpapawid na ang araw sa petsa ng kanilang duwelo.
Discover more from Current PH
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
