Palaruan Ba Ng Phil. Army Ang Batangas?

0
117
Author Bong Macalalad is a Social Development Professional, providing advice and consulting services to NGOs, public and private agencies, and politicians on policy development, PR and capacity building. A media practitioner for more than 20 years, Bong is a KBP-accredited broadcaster and part time news and opinion writer. jamacalalad@up.edu.ph)

By Bong Macalalad

Hindi maituturing na hotbed o lugar kung saan malakas ang pagkilos ng mga New People’s Army (NPA) sa Batangas.

Ipinagmamalaki ang “Rich Batangas” dahil mas marami ang opurtunidad na pangkabuhayan dito, at dahil likas na masisipag ang mga Batangueño, nagiging maparaan sila sa hanapbuhay maski sa gitna ng kahirapang dala ng pandemya.

Kaya ang mga hindi magandang pangyayari nito lamang Hulyo 2022 ay hindi katanggap-tanggap. Dalawang inosenteng sibilyan ang binaril at napatay at sinasabing bunga ng engkwentro ng mga elemento ng 59th Infantry Batallion ng Phil. Army sa kalabang NPA.

 

Pinabulaanan

Si Kyllene Casao, 9 na taong gulang na batang babae, ay binaril umano sa ulo nang tumakbo palayo sa mga sundalong nag-ronda at nagpaputok sa barangay Guinhawa, Taysan noong Hulyo 18, 2022.

Bukod pa rito ang umano’y sapilitang pagpapaalikas sa mga residente dahil sa NPAs, na iniulat ng grupong Tanggol Batangan. Iniulat din na sapilitang pinagawa ng mga local na kautusan ang mga Barangay sa Lobo at Taysan upang gawing lehitimo ang pagkilos doon ng militar at pagpapakalat ng mga balita ng engkwentro na pinabubulaanan naman ng mga residente.

Nasundan pa ito ng isang malagim na pagpaslang sa isang may sakit sa pag-iisip na 50-taong gulang na lalaking magsasaka na kinilalang si Maximino Digno, noong Hulyo 26, 2022 sa Brgy. Cahil, Calaca. Sa opisyal na pahayag ng 59th Infantry “Protector” Batallion sa kanilang Facebook Page, sinabi nito na isang NPA si Digno at napatay sa engkwentro.

 

Nakakaalarma

Nakakalaarma ang ganitong pangyayari. Nagiging karaniwan ang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan. Kailangan ng masusing imbestigasyon dito ng mas mataas na tanggapan gaya ng Kongreso.

Sa halip makabuti ito sa imahe ng ating sandatahang lakas, sumasama lamang ang pagtingin sa kanila ng publiko. Dapat matuto ang pamunuan ng 59th IB kay PNP Provincial Director Col. Glicerio Cansilao na simula nang mamuno sa PNP Batangas ay nabawasan kung di man nawala ang mga ulat ng pag-abuso ng mga pulis.

Ginamit ba nya ang kapulisan sa mga pagtulong sa komunidad lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad? Isang magandang ehemplo kung paano linisin at pabanguhin ang imahe ng unipormadong sektor sa lipunan. Sana mangopya na lamang ang 59th IB ng ganyang halimbawa at umiwas sa pagpapabango sa itaas sa mga ulat ng gawa-gawang engkwentro na ang biktima ay pawang mga inosente at walang kinalaman sa gyera laban sa terorismo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.