Doña Aurora Aragon Quezon, Isa Rin Palang Movie Producer

0
97

Ni Boy Villasanta

Isai-isahin natin ang mga dilag na laging iniuugnay sa pelikulang Pilipino lalo na sa paggawa nito bagamat ang pagkakahalayhay ay hindi ayon sa pagkakasunud-sunod ng pag-usad ng kasaysayan — Mother Lily Monteverde ng Regal; Charo Santos-Concio ng Vision Films at Star Cinema; Emilia Blas, kilala rin sa tawag na Aling Miling ng Lea Productions; Armida Siguion-Reyna ng Pera Films at Reyna Films; Marichu Vera-Perez ng Sampaguita Pictures; Digna Santiago ng Premiere Productions; Doña Narcisa de Leon ng LVN Pictures; Imee Marcos ng Experimental Cinema of the Philippines, atbp.

O maging ng mga di laging nasusulat pero makapangyarihan din at nasa likod ng produksyon gaya nina Fely Pascual ng Emperor Films; Mila Pascual ng El Niño Films; Lita Buenaseda ng ATB-4 Films; Rose Flaminiano ng FLT Films, at iba pa. Sila man ay lumikha ng mga idolo na hinangaan at sinasamba pa rin ng balana.

Huwag kalimutan ang mga mas nauna pa sa kanila — Raymunda Guidote, kaanak ni Cecil Guidote-Alvarez; Carmen Concha, pinsan ni Armida na puwersa rin at naghandog ng pelikula noong panahon ng silent movies.

 

Age Of Silent Movies

At heto pa. Maaaring wala tayong kamalay-malay na ang misis pala ni Manuel Luis Quezon, ang Commonwealth President ay movie producer din.

Oo, si Doña Aurora Molina Aragon Quezon ay nag-showbiz din bilang tagagawa ng pelikula.

Ganito ‘yon. Hindi ba’t si Vicente Salumbides, ang itinuturing na Ikalawang Ama ng Pelikulang Pilipino ay nanggaling sa US para mag-aral ng filmmaking sa Hollywood pagkatapos niyang makipagdigma para sa Allied Forces noong World War I?

Si Vicente ang nagpatuloy ng paggawa ng pelikulang Pilipino noong masunog ang kumpanya ng pelikula ni Jose Nepomuceno, ang Ama ng Pelikulang Pilipino noong mga 1920s. 

Pulos walang talkies ang pelikula noon. Dahil parehong may kaya sa buhay at elitist, magkaibigan sina Salumbides at Jose, parehong tinatawag na Don. 

Bagamat bantayog na ang pangalang Jose Nepomuceno sapul noong 1919 nang gawin niya ang kauna-unahang pelikula na gawa ng isang Filipino, ang “Dalagang Bukid,” kailangan niyang may makatuwang sa pagbabangon ng showbiz at si Salumbides nga ito.

Ang ilan sa mga ginawang silent films ni Vicente ay ang “Miracle of Love” na kanyang idinirek, prinodyus, ginawan ng iskrip, i-edit, in-apply-an ng makeup at pinagbidahan—auteur ang tawag sa pagpakyaw ng lahat ng papel na pelikula—katambal ang magiging “babae” ni General Douglas MacArthur na si Elizabeth “Dimples” Cooper; “Fate or Consequence,” “The Soul Saver”, atbp.

 

 

Kapwa taga-Tayabas — ngayon ay Quezon Province na — sina Salumbides at Manuel Quezon. Taga-Baler si Quezon samantalang taga-Lopez si Vicente. Parte pa ng Tayabas province ang Baler ngunit ito ay kabisera na ngayon ng probinsyang Aurora.

Magkabayan sina Doña Aurora at Manuel at magpinsang-buo pa pero nagkaasawa. At alam ba ninyong ang lolo ni Manuel ay kura paruko ng Baler?

Si Aurora ang ninang sa kasal nang mag-isang-dibdib sina Vicente at Rosario H. Panganiban.

Ano pa nga ba ang puwedeng gawin ng mag-ninang sa kasal maliban sa sumbungan ng mga kaganapan lalo na’t problema sa pag-asawahan?

Pulitika rin ang maaaring magbunsod sa sinuman sa relasyong ito o negosyo o gawaing sibiko.

 

‘Florante at Laura’

Dahil kilala nang aktor, producer at direktor si Salumbides, sumosyo si Doña Aurora sa Salumbides Film Company Limited. Ginawa nila ang kauna-unahang bersyon sa pinilakang tabing ng “Florante at Laura” noong 1939.

Kasosyo rin nina Salumbides at Quezon ang ilang kilala at makapangyarihang tao sa lipunan ng mga panahong ‘yon, sina Adela de Lagdameo (kadugo ng magkapatid na sina Polly Penson — Mutya ng Pilipinas 1973 at second runner-up sa Miss Asia Quest at kay Dick Penson, ang naging asawa noon ni Dina Bonnevie; Anton Lagdameo, ang asawa ni Dawn Zulueta), Emilia de Lim, at B.T. de Lacson.

Gumanap sa produksyon ng “Florante at Laura” sina Carlos Padilla, ang lolo ni Zsa Zsa Padilla bilang Florante; Rogelio de la Rosa (ang pinsang-buo ni Diosdado Macapagal na kumausap sa kanyang umurong sa kandidatura ng pagka-presidente ng Pilipinas upang siya ay bigyang-daan sa pagtakbo) bilang Menandro; Lila Luna o Ligaya Virata sa tunay na buhay bilang laura; Rosita Rivera, lola ni Dina sa ina bilang Flerida; Cesar Basa, piloto at kawal noong WWII bilang Aladin at Nemesio Caravana, manunulat sa komiks, aktor at direktor bilang Adolfo at iba pa. Sa direkyon ito ni Don Vicente.

Sa ganitong kaayusan ng pagdiskubre, pagkuha at pagpili ng mga artista, noon pa man ay kami-kami, kanya-kanya na ang sistema kundi man sila ay mga nasa itaas ng lipunan ang lalo pang sumisikat at nagiging mas makapangyarihan at mapera.

Ipinalabas sa Metropolitan Theater ang “Florante at Laura” at tumiba ito sa takilya.

Noong 1940, ginawa nina Quezon at Salumbides ang “Anghel na Tukso” na tinampukan nina Carlos Padilla at Amparo Caragdag. 

Noong 1941 ay sumabak naman sina Doña Aurora at Don Vicente sa “Krisantemo” pero nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig tumugil muna sa paggawa ng pelikula ang magkasosyo. Natupok din ng apoy mula sa pagbomba ng mga Hapones sa Kamaynilaan ang kopya ng kanilang mga pelikula.  

 

Pambansang Wika

Sa ngalan naman ng feminismo o pagboto ng mga kababaihang Filipino, si Doña Aurora ang kumulit kay Pangulong Quezon na aprubahan na ang Equality Law para makaboto ang mga Pinay.

Si Don Vicente sa suporta ni Doña ang may pakana na ang gawing Pambansang Wika ng Pilipinas ay Filipino mula sa Tagalog.

Kaya noon pa mang panahon ni Mahoma, ang showbiz at pulitika ay magkakambal na.

May bago ba?

 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.