Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na baligtarin ang sumpa ng smuggling bilang grasya sa mga mahihirap na mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga selpon, tablet at laptop na nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).

“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libu-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” giit ni Marcos.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, posibleng lumobo pa ang mga ilegal na transaksyon ng pag-angkat ng mga gadget bunsod ng mataas na demand dahil sa pinatutupad na social distancing dulot ng pandemya ng Covid-19.

Dagdag ni Marcos, sa halip na sirain o i-subasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang labinlimang araw na sila’y maabisuhan.

Nitong Agosto, iniulat ng BOC na nakasamsam sila ng halos 29.5 tons ng mga selpon, storage devices at electrical items na walang mga clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.

Habang noong nakaraang taon, kabuuang P100 million na mga selpon, baterya ng selpon at tablets na mula Hong Kong ang nasabat nung Hulyo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod naman ang P15 million na mga second-hand na selpon, lithium batteries at phone accessories na mula South Korea ang nakumpiska ng sumunod na buwan sa paliparan ng Maynila.

“Ang isang libreng cellphone o laptop ay malaking ginhawa para sa isang nanay na pilit pagkakasyahin ang badyet para sa araw-araw na gastos sa pagkain, bayad sa kuryente, at ngayon sa online learning,” ani Marcos.

Ang isang brand new laptop na may 14-inch screen ay halos nasa P15,000 hanggag P20,000, samantalang ang second hand ay puwedeng mabili online mula P4,000 at ang mini-version o netbook na may 10-inch screen ay nasa P6,000 hanggang P10,000.Di pa kasama diyan ang presyo ng mga accessories tulad ng mouse, headset, charger o laptop cover na halos umaabot ng P500 kada isa.

Pumapalo naman sa P1,000 hanggang P2,000 ang monthly bill ng internet connection bukod pa dyan ang installation fee na P1,500 pataas, kaya walang choice ang mga mahihirap na mag-aaral kundi magpa-load ng data promo mula sa mga internet service providers, kung saan ang pinakamura ay P50 na maaaring ikunsumo ng tatlong araw.

“Paano na ang pamilyang may tatlong anak? Wala silang choice kundi maghiraman kaya ang resulta, di natapos na lesson pati mga exam,” ani Marcos.

“Kakailanganin ng pamilyang may tatlong anak ang P25,000 para makabili ng dalawang laptop, makapagpakabit ng upgraded na internet connection, at obligado pa ang isa sa mga magulang na maglaan ng kahit apat na oras kada araw para tulungan ang kanilang anak sa pag-aaral,” giit ni Marcos.

“Posible pang mawalan ng trabaho ang magulang kung gagawin ito o mahirapang humanap ng trabaho. Gaano karaming Pilipino ang may P25,000 para makabili ng bagong selpon, laptop at iba pang mga ginagamit ngayon sa pag-aaral?” dagdag ni Marcos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.